HIRAYA MANAWARI
Isa ka ba sa mga taong nagsusumikap at determinado para lang maabot ang kanilang pangarap? Pangarap na maaring magbago sa takbo ng kanilang Buhay. Ako kasi, oo.
Ang salitang Hiraya Manawari ay nangangahulugang “sana maabot ang pangarap”. Lahat naman siguro ng tao ay may pangarap na gustong makamit, katulad ko, marami akong pangarap sa buhay. Isa akong estudyanteng punong-puno ng pangarap na gagawin ang lahat para lang makamit ang mga ito. Ang mga pangarap na ito ang nagsisilbing inspirasyon upang ako'y magpursigi at ibigay lahat ng aking makakaya. Mga maliliit na pangarap pero malaki ang kayang baguhin sa takbo ng aking buhay at nagiging gabay para mapunta ako sa tamang landas ng buhay.
Nais kong maabot ang mga pangarap na ito upang maranasan ko ang masarap na buhay, kung saan wala akong problemang iisipin. Isa sa gusto kong maabot ay ang makapagtapos ng pag-aaral at makamit ang matagal na pinapangarap na trabaho, ang maging isang Civil Engineer. Kaagapay nito ay maibalik ko lahat ng mga sakripisyong ginawa ng aking mga magulang upang bigyan ako ng komportableng buhay. Bukod dito, nais ko ring makita na sa kabila ng aking determinasyon sa pag-aaral, mga pawis, pagod, dugo't-luha na aking napagdaanan para lang magawaran ng mataas na karangalan ay makita kong proud na proud sa akin ang aking mga magulang. Nais ko ring makamit ang pagkakaroon ng maayos at komportableng buhay, at maranasan ang mga bagay na hindi ko naranasan noong bata pa ako. Pero sa lahat ng mga pangarap kong ito, ang pinaka nais kong makamit ay mahanap at mas makilala ko nang lubusan ang aking sarili. Pumasok sa aking isipan, sa dinami-rami ng aking mga pangarap, sigurado ba akong makakamit ko ang mga ito? Sa tingin ko, malalaman ko yan sa tamang panahon.
Lagi nating tandaan na ang ating mga pangarap ay ang repleksiyon ng direksyon at layunin natin sa buhay. Ang ating mga pangarap ang nagsisilbing motibasyon upang tayo ay magsikap at pagbutihin ang ating buhay. Ito rin ang nagtutulak sa atin na harapin ang mga hamon at pagsubok, sapagkat alam natin na gagawin natin ang lahat para lang sa mga pangarap na ito. Ang pagkakaroon ng pangarap ay nagbibigay ng pag-asa at inspirasyon upang patuloy na magsikap para sa mas maganda at maayos na kinabukasan.