Thursday, January 30, 2025

SURING-AKLAT: Pang MMK na Isinulat ni John Lapus



 Sta. Lucia High School

#30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City


PANG MMK

Ni John Lapus

ABS-CBN PUBLISHING INC., 2018


Isang Suring-Aklat (Book Review) na iniharap

Kay Ginoong G. Agpaoa, LPT

Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong

Pagbasa at Pagsusuri ng Iba't Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik


Ipinasa ni:

Jullian James Bendo

G11-STEM 2


Enero, 2025



  I. PANIMULA


    A. PAMAGAT


    Ang pamagat na "Pang MMK" ng libro ni John Lapus ay malinaw na nagpapahiwatig ng koneksyon nito sa programang "Maalaala Mo Kaya" (MMK), na kilala sa pagpapakita ng mga makulay at masalimuot na kwento ng buhay. Ang "pang MMK" ay kilala sa ating bansa na naglalarawan ng mga kwentong puno ng emosyon, mga tagpo ng pagmamahal, sakripisyo, tagumpay, at kabiguan.


    Sa aklat, mayroong kombinasyon ng mga totoong karanasan, personal na pagsubok, at drama na may halong humor. Sa ganitong uri ng pamagat, binibigyang-diin nito ang pagiging relatable ng mga manonood/mambabasa sa kwento, na naglalaman ng mga emosyonal at bahagi ng buhay na maaaring magpatawa, magpaiyak, at magbigay-inspirasyon sa ating manonood/mambabasa.


    Sa kabuuan, ang pamagat na "Pang MMK" ay isang magandang paraan upang maipahayag ang nais ng libro bilang isang kwento ng buhay na puno ng aral at emosyon.


    B. URI NG PANITIKAN AT GENRE


    Ang aklat na "Pang MMK" ni John Lapus ay kabilang sa panitikang popular o kaya naman nobelang pangyayari sapgkat ito ay patungkol sa isang pangyayari na nararanasan sa totoong buhay. Ang uri ng panitikan nito ay sanaysay o personal na kwento, dahil ito ay naglalaman ng mga tunay na karanasan, reflections, at emosyonal na kwento na naglalayong magbigay inspirasyon at magpatawa.


    Ang genre nito ay maaaring ituring na non-fiction na may halong drama at humor, sapagkat nagpakita ng kuwento na hango sa totoong pangyayari. Sa kabuuan, ang aklat ay isang kombinasyon ng nakakaantig na mga kwento at nakakatawang kuwento na may punto na nagtataglay ng inspirasyon at aral sa buhay.


    C. PAGKILALA SA MAY AKDA


    Si Jonathan Anthony Solis Lapus, na mas kilala rin sa kanyang palayaw na "Sweet", ay ipinanganak noong July 7, 1973, at lumaki sa lugar ng maynila. Siya ay isang sikat na komedyante, aktor, direktor, at manunulat sa industriya ng showbiz sa Pilipinas. Sa kabila ng pagiging artista ay nakapagtapos si John Lapus ng kolehiyo sa paaralan ng Unibersidad De Santo Thomas (UST) at nagkaroon ng degree sa Hotel and Restaurant Management noong 1993.


    Nagsimula ang kanyang karera bilang bahagi ng mga comedy skit sa telebisyon at pelikula, kung saan nakilala siya sa kanyang husay sa pagpapatawa, pagiging witty, at madalas na pagganap bilang flamboyant na karakter. At dahil sa pagiging pursigidong aktor ay ginawaran siya bilang Best Male Stand-Up Comic in Aliw Awards 2006 at Best Game Show Host (along with Ai-Ai delas Alas) for ABC-5 (now TV5)'s Sing Galing in PMPC Star Awards 2004. 


    Bukod sa pagiging isang performer, si John Lapus ay isa ring mahusay na storyteller, na naglalabas ng mga kwento ng kanyang personal na buhay. Katulad na lamang ng libro na "Pang MMK" na kung saan siya ang nagsulat at nag-direk nito. Ang kanyang malalim na koneksyon sa mga mambabasa at manonood ay nakaugat sa kanyang kakayahang gawing relatable ang mga kwento ng tagumpay, kabiguan, at pagmamahal.


    Nakakahanga talagang tunay si John Lapus, hindi lang bilang isang aktor, storyteller, komedyante pati na rin bilang isang normal na tao na kung saan nagiging matatag sa harap ng madaming hamon at nakakapagbigay inspirasyon sa ibang tao bilang isang LGBTQ+ member.


  II. PAGSUSURING PANG-NILALAMAN


    A. TEMA/PAKSA


    Ang libro na "Pang MMK" ni John Lapus ay isang koleksyon ng mga kwento ng buhay na nagsisilbing inspirasyon mula sa mga totoong karanasan. Ang tema o paksa ng aklat ay umiikot sa mga madamdaming tagpo, mga pagsubok na nararanasan ng isang anak at ng pamilya, at mga kuwento ng tagumpay at pag-asa.


    Tulad ng programang "Maalaala Mo Kaya" (MMK), ang libro ay sumasalamin sa iba’t ibang emosyon, mula sa sakit, pag-ibig, sakripisyo, at pagtuklas ng sariling lakas. Nagbibigay ito ng inspirasyon at nagsisilbing paalala na kahit gaano kahirap ang mga pagsubok sa buhay, laging may liwanag sa dulo ng bawat hamon.


    Ipinapahiwatig ni John Lapus ang mensahe ng pagiging vulnerable at resilience ng isang pamilya sa pagharap sa mga pagsubok, acceptance, at selflove sa pamamagitan ng pagkukuwento ng may punto, humor at malalim na pag-unawa sa buhay.


  B. MGA TAUHAN, TAGPUAN AT PANAHON

        Mga Tauhan


Janus - Ang pangunahing tauhan na responsable sa pag-aasikaso ng libing ng kanyang ama. Ang kanyang karakter ay sumasalamin sa komplikadong papel ng isang anak na kailangang humarap sa mga

tensyon at pagsubok ng pamilya habang nagdadalamhati

Ate ni Janus - Ang iskandalosang kapatid ni Janus na nagdadala ng dagdag na komplikasyon sa mga sitwasyon.

Ina ni Janus - Nasa Amerika ngunit nakikibalita sa mga nangyayari sa libing ng kaniyang dating asawa sa pamamagitan ng telepono.

Senador - Isang bisita sa libing na nagpapakita ng kahalagahan ng reputasyon at panlabas na anyo. Ang sumagot sa mga gastusin ng libing ng ama ni Janus.

Kerida ng ama ni Janus - Isang karakter na nagdudulot ng tensyon at drama sa libing dahil sa kanyang relasyon sa ama.


        Mga Tagpuan


•Punerarya - Ito ang unang tagpuan na kung saan pinuntahan ito ni Janus pagkatapos malaman na yumao na ang kaniyang ama. Dito halos iikot ang buong istorya, may mga mag-aaway, mag-iiyakan, at magtatawanan.

Morgue- Ito ang tagpuan kung saan unang nakita ni Luisa ang kaniyang yumao ng ama, napuno ng drama ang kwarto. At dito nag-emote ng unti si Janus na nakaharap sa kaniyang ama.

Ataol at Urn Showroom- Dito naganap ang pangyayari na kung saan pumipili ng Ataol si Janus para sa kaniyang ama, na kalaunan ay napunta sa pamimili ng urn para sa kaniyang yumao na ama.

Family room- Dito naganap ang malalang tapatan ng kapatid ni Janus na si Luisa at ang kabit ng kanilang ama. Mag-iiskandalo si Luisa at papaalisin ang mga bisita ng kabit ng kanilang ama.

Columbarium- Ito ang tagpuan kung saan nilagay ang urn ng yumaong ama ni Janus at dito nag-usap ang magkapatid patungkol sa kanilang tatay.

Crematorium- Ito ang tagpuan kung saan crinemate ang kanilang ama at nagkaroon ng unting tawanan si Janus at ang staff patungkol sa mga abo ng patay.


        Panahon


    Ang panahon ng kuwento na ito ay nagsimula pagkatapos iwanan ng ama ang kaniyang pamilya.


    Makaraan ang dalawampu’t taon, nalaman nila na namatay na ang kanilang ama. Balot na balot ng kalungkutan at pagdadalamhati sa oras na dumating sila sa kanilang ama. Punong-puno ng mga reporters ang punerarya sa araw na ‘yon, kaniya-kaniyang interview sa senador at sa kabit ng tatay nila.


   Araw ng libing ng kanilang tatay, napuno ng katahimikan ang punerarya para sa huling araw ng kanilang tatay, madaming nagdadalamhati at nagsisiiyakan sa araw na iyon.


  C. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA


    Ang estilo ng pagkakasulat ng "Pang MMK: The Original Screenplay" ni John Lapus ay maaaring masabing dramatiko at emosyonal. Karaniwan itong ginagamitan ng masining at madamdaming paglalarawan upang mapukaw at maantig ang damdamin ng mga mambabasa. Sa kuwentong ito, ito ay puno ng mga dayalogo at matitinding eksena na nagpapakita ng mga pagsubok, sakripisyo, at tagumpay na hinarap ng tauhan na hango sa tunay na buhay.


   Ang librong ito ay gumagamit rin ng "code-switching" na kung saan may mga pangyayari sa aklat na nagpapalit ng lenggwahe, katulad ng paggamit ng Filipino na lenggwahe na malilipat sa Ingles na lenggwahe at kabaligtaran nito. Isa pang paraan na ginamit ng awtor ay ang paggamit ng lenggwahe ng mga gay na tinatawag na gaylingo, at dahil ang pangunahing tauhan ay parte ng LGBTQ+, nararapat lang na gumamit ng mga salitang angkop sa kaniyang pagkakakilanlan.


    Ang awtor rin ay gumamit ng mga modernong salita, at lahat ng mga pangyayari sa aklat ay conversational, sa madaling salita ang awtor ay naglagay ng mga pangyayari sa aklat na kung saan ang pangunahing tauhan ay nagkakaroon ng interaksiyon sa iba pang karakter, katulad ng pag-uusap ng pangunahing tauhan sa kaniyang kapatid, pakikipag-usap sa kaniyang kapatid, at sa pamilya.


    Sa pamamagitan ng mga paraan ng pagsusulat ng akda ay mas magiging kaaya-aya o kawili-wiling basahin ng mga mambabasa, at tiyak na tatagos ang emosyon ng libro sa mga mambabasa. At nagagawa nito na mas maintindihan at maging relatable ang mga pangyayari sa aklat.


  III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN


    A. KAKINTALAN/KAISIPAN


    Ang librong "Pang MMK" ni John Lapus, ay hindi lang puro drama, mga problema, kundi puno rin ito ng mga mahahalagang aral sa buhay. Tunay ngang kahanga-hanga sapagkat maraming aral ang kapupulutan dito na maaring i-apply sa totoong buhay.


    Isa sa mga aral na mapupulot dito ay ang kahalagahan ng pagpapatawad at pagtanggap sa iba. Makikita natin dito kung paano nalampasan ni Janus ang mga pagsubok sa kanyang relasyon sa kaniyang ama, sa ibang pamilya ng kaniyang ama, kabilang din ang pamilya. Ipinakita rito na ang pagpapatawad ay isang mahalagang hakbang upang gumaan ang ating buhay at maging payapa,upang mas makilala natin ang ating sarili at ang ibang tao, at upang gumanda ang relasyon natin sa ibang tao.


    Bukod pa sa aral nito, kapupulutan rin natin dito ang patuloy na paglaban sa buhay, sa kabila ng mga pagsubok. Si Janus ang naging ebidensiya sapagkat ipinakita niya na kahit gaano kadami at gaano kabigat ang iyong hinaharap na pagsubok, laban lang, sapagkat ang mga pagsubok na ito ang nagpapatibay sa ating loob upang tayo'y magpatuloy, at dahil ito ang nagtutulak sa atin upang magpatuloy at magbago.


   Iba pang kapupulutan ng aral dito ay ang pagtanggap sa pangyayaring nangyari na, katulad sa libro, tinanggao ni Janus kung ano ang nangyari sa kaniyang ama at sa kanilang pamilya. Ang aral na ito ay nagbibigay ng pagkakataon upang magpatuloy sa buhay nang may kapayapaan. Ang pagtanggap ay isang paraan tungo sa pagpapatawad, paghilom mula sa mga sugat, at pagkatuto mula sa karanasan. Ang pagtanggap ay nagiging susi upang tayo'y lumago at mas tumatatag sa takbo ng buhay.


    Sa kabuuan, ang "Pang MMK" ay isang makulay at masalimuot na paglalakbay sa buhay ni Janus na puno ng mga aral na tumatalakay sa mga aspeto ng buhay, pagmamahal, pagpapatawad, at personal na paglago. Ang libro ni Lapus ay nagsisilbing inspirasyon sa mga mambabasa upang tanggapin ang kanilang mga kahinaan at magpatuloy sa buhay ng may pag-asa at lakas.


    B. KULTURANG MASASALAMIN


    Sa librong ito, hindi lang aral ang maari nating mapulot, sa kuwentong ito masasalamin ang iba't ibang aspeto ng kulturang Pilipino, dito masasalamin ang mga ugali, tradisyon, at paniniwala ng mga Pilipino, na makakatulong upang magbigay ng malalim na pagtingin sa ating kultura.


   Isa na rito ang pagpapahalaga sa pamilya, makikita sa libro na bawat karakter ay may malalim na ugnayan at pagmamahal sa isa't-isa. Sa libro, makikita ang mga pagsubok na kinahaharap ng bawat miyembro ng pamilya, pati na rin ang kanilang sakripisyo at pagtutulungan upang malampasan ang mga pagsubok sa buhay. At dito natin makikita ang tradisyunal na pagpapahalaga sa pamilyang Pilipino, kung saan ang pamilya ay ang ating sandigan at kasama sa pagharap at paglampas ng mga pagsubok, at nagiging pundasyon ng mga personal na desisyon at kaligayahan.


    Bukod pa rito ay ang walang sawang pagtulong sa oras ng pangangailangan, katulad ng pangunahing tauhan na si Janus, kahit wala siyang masyadong relasyon sa kaniyang pumanaw na ama, at sa kaniya naiatas ang responsibilidad na ilibing ang kaniyang ama, ito'y kaniyang ginampanan bilang anak. Maihahalintulad ko ito sa kultura ng bayanihan, o ang pagtutulungan sa panahon ng pangangailangan na kung saan ay may malasakit at handang magsakripisyo ang nga tao para sa iba, anuman ang kalagayan nila. Ito ang nagpapatunay na hindi nagdadalawang-isip magbigay ng tulong ang mga Pilipino, kahit na sila mismo ay may mga sariling pagsubok.


    Sa kabuuan, ang aklat na ito ay punong-puno ng mga kulturang, tradisyon, paniniwala na masasalamin sa bansang Pilipinas. 


  IV. LAGOM


    Ang libro ni John Lapus na "Pang-MMK: The Original Screenplay" ay isang punong-puno ng emosyon na kwento na naglalaman ng matinding emosyon at inspirasyon, na hango sa totoong pangyayari sa buhay ng isang tao. Tulad ng ibang kuwento sa programang Maalaala Mo Kaya (MMK), ang aklat na ito ay naglalaman ng punong-puno ng emosyon, pagsubok, at inspirasyon. Ang aklat na ito ay hindi lamang isang simpleng kwento kundi isang pagsasalamin sa iba't ibang hamon sa buhay ng isang anak at ng pamilya.


    Ang kuwento sa libro na ito ay umiikot sa isang pamilyang nakaranas abandunahin, kung saan ang ama ay iniwan ang kanyang asawa at mga anak upang magsimula ng bagong buhay kasama ang ibang babae. Ang kanilang paghihiwalay ay nagdulot ng matinding sakit at pagsubok sa kanilang pamilya, lalong-lalo na sa bunsong kapatid na si Janus na sa murang edad ay hindi niya

nakasama ang kanilang ama sa paglaki, ngunit sa kabila nito, ang iniwang magiina ay hinarap ang buhay nang may tapang at dignidad.


    Makalipas ang dalawampung taon matapos ang masalimuot na pangyayari, nabalitaan ni Janus na namatay ang kaniyang ama, at tila'y hindi siya nakaramdam ng lungkot, ng pagdadalamhati, ang kaniyang naramdaman lamang ay galit sapagkat hindi pa niya napapatawad ang kaniyang ama. Pagkatapos malaman ang nangyari sa kaniyang tatay, sa kaniya na naipasa ang responsibilidad na ayusin ang burol ng kanyang ama. Samantalang ang kaniyang ate ay pilit na nakikipag-agawan sa kabit ng tatay nila para sa bangkay nito. Dumaan sa maraming pagsubok habang nasa proseso ng paglilibing sa kanilang tatay, pero ito'y kanilang nalagpasan.


    Ginawa nila ang lahat para makabangon, upang kayanin, makabawi, at sumaya sa buhay. Dahil gano'n dapat, dahil 'yon ang tama. At dahil dito, gano'n ang mga kuwentong Pang MMK.


  V. REAKSIYON AT MUNGKAHI


    Ang librong "Pang MMK" ni John Lapus ay tunay na kahanga-hanga dahil naipakita niya nang malalim at makatotohanan ang isang kwentong hango sa tunay na buhay. Mahusay ang kanyang paraan ng pagsasalaysay, dahil hindi lamang ito naglalaman ng emosyonal na detalye kundi nagbibigay rin ito ng mahahalagang aral na maaaring magamit ng mambabasa sa kanilang sariling buhay. Bukod sa ito ay isang makabuluhang kwento, ito rin ay naglalaman ng mga sitwasyong magpapalalim ng pang-unawa at makakatulong sa ibang tao upang mas maunawaan ang kanilang sariling mga karanasan.


    Isa rin sa mga pinakamagandang aspeto ng libro ay ang pagiging relatable nito, na kung saan ang mambabasa ay maaring makita ang kanilang sarili sa kwento. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng emosyonal na pagsasalaysay, naiparamdam dito sa libro ang iba't ibang emosyon, mula sa saya at pag-asa hanggang sa lungkot at pagsubok. Nakakahanga ang libro dahil nagdulot ito ng matinding damdamin sa mga mambabasa, nag-iwan ang kuwento ng matinding epekto sa kanilang emosyon.


    Sa aking mungkahi, magiging mas epektibo ang "Pang MMK: The Original Screenplay" kung magkakaroon ng mas detalyadong pagpapaliwanag

tungkol sa mga karakter, sa madaling salita, magbibigay ng mas malalim na background sa bawat karakter sa kuwento, upang mas maunawaan ng mga mambabasa ang mga nangyayari o kung ano ang kinalaman na karakter sa kuwento na iyon. Mas magiging epektibo rin ito kung magdadagdag ng mga senaryo sa ibang tagpuan, sapagkat sa librong ito naka-pokus lamang ang libro sa punerarya, sa pamamagitan nito mas ma-eexplore pa ang kuwento sa libro. Isa pa, ang pagsasama ng mga visual na elemento, sa pamamagitan nito mas maiilarawan nang mas maliwanag ang mga eksena.


    Sa kabuuan, ang libro ay mahusay na nasulat, ngunit may puwang pa para sa pagpapayaman ng karanasan ng mga mambabasa. Ang aklat na ito ay hindi lang isang simpleng salaysay kundi isang inspirasyonal na kwento na maaaring magbigay ng inspirasyon sa ating mambabasa.

No comments:

Post a Comment

SURING-AKLAT: Pang MMK na Isinulat ni John Lapus

 Sta. Lucia High School #30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City PANG MMK Ni John Lapus ABS-CBN PUBLISHING INC., 2018 Isang Sur...